pasyal
isang gabi’y tayo’y namasyal,
tila sa atin ang bawat oras;
siguro’y para mapawi ang pagkapagal,
at mabawi ang mga ngiting nangupas…
tuloy tuloy lang sa ating paglalakad,
na parang wala tayong patutunguhan;
ang dilim ng gabi’y sa ati’y matingkad,
salamat sa mga tala’t liwanag ng buwan…
ngunit maya-maya la’y matatapos na rin,
sadyang hindi lahat ng bagay ay mananatili;
ang mga panahong tinuring nating sa atin,
ilang segundo pa’y paalam na ang hahalili…
isang gabi’y mauulit din ang ganitong tagpo,
kung san ang mga pangarap ay di maglalaho…